Kapayapaan? Para san ba talaga?


Naririnig natin nang paulit-ulit ang salitang “kapayapaan” sa ating bansa. Simula pa nung tayo ay mga bata pa, ito ay isa sa mga hangarin natin. Ito ang sigaw ng bayan para sa ating mga pinuno. Ngunit, tila ba walang kabuluhan ang salitang ito? Marami na kasing beses na itong nababanggit, ngunit sa kasalukuyan, sa kabila ng mga taon na lumipas, parang wala pa rin tayong nararating. Sa totoo lang, tila mas lumalala pa ang sitwasyon, lalo na’t ang mga namumuno pa mismo ang nagpapalala ng mga hidwaan na sumisira sa kapayapaan na ating pinapangarap.

Kailangan bang paulit-ulit nating ipaalala sa ating mga sarili na ang tunay na laban ay hindi dapat nakatuon lamang sa sariling interes kundi para sa ikabubuti ng nakararami? Ang mga balitang kumakalat sa ating bansa, tulad ng usapin ng Cha-cha na iniuugnay sa posibleng pagbibigay ng kapangyarihan sa iilang tao lamang, o ang panganib ng paghihiwalay ng isang malaking bahagi ng ating bansa na magdudulot ng pagkawasak sa ating pagkakaisa bilang mga Pilipino, ay nagpapakita ng malalim na suliranin.

Ganito na lang ba talaga ang patuloy nating ipamamana sa ating mga susunod na henerasyon? Ang mga anak, apo, at kabataan ay dapat bang palaging mabuhay sa mundong puno ng kaguluhan na hindi nila naiintindihan? Sana ay makinig naman tayo sa kanilang mga hinaing. Hindi dapat mas mataas ang halaga ng interes ng iilang pamilya kaysa sa kabutihan ng nakararami.

Tayo, ang 120 milyong Pilipino, ay may iisang hangarin lamang: ang magkaroon ng maayos at mapayapang bukas. Dapat na nating itigil ang maling pangako ng kapayapaan na alam naman natin ay bunga lamang ng pansariling interes. Dapat na rin nating itigil ang maling panawagan ng pagkakaisa na walang saysay at hindi nagbubukas ng pag-asa para sa tunay na kapayapaan.

Ano ba talaga ang inyong hangarin para sa amin, na 120 milyon na umaasa na sana ay kami naman ang inyong pakinggan at unahin?